By Nonoy Pillora
Langhapin sa hangin ang hangarin ng tao. Damhin ang tibok ng buhay sa puso ng mundo. Ang amoy ng Maynila ay di pa rin nagbabago mayroong bahagi na malangsa, mayroon namang parteng mapanghi at amoy kanal naman ang hanging nalalanghap sa tabing dagat sa may bandang Roxas Boulevard. Tulad ng dati, namumulaklak ang mga taong naninirahan sa daan sa maraming sulok ng Kamaynilaan… Mga batang walang mauuwian at sinanay ang sarili sa buhay na nasa lansangan… ang kalye ay parang ‘sala’ na lamang nila. Ang namamahala ay nagpapakitang gilas at sa lahat ng dako ay may nakapaskil na paalala na nagsasabi na; “Ang Pagbabago ay Manggagaling sa Iyo”. Maging sa telebisyon pagkatapos ng mga nagbabagang balita, ang huling paalaala ng tagapagpahayag ng mga balita ay ang tungkol sa “pagbabago na manggagaling sa iyo!”
“Ang galing naman!” aniya ng aking isip… ngayon ay parang pinasukan na ng kabuluhan ang utak ng pamahalaan… at unti-unting namuo sa aking isip ang tula tungkol sa bukambibig na ‘pagbabago’. Ang isip kong naidlip ng panandalian ay nagsalaysay…
Sa ilog ng karunungan, namamangka ang katotohanan…
Tungkol sa pagbabago, na manggagaling sa iyo.
Ang dunong ng panahon kusang lumalapit sa ’yo
ang daing ng panahon, ay may kakambal na pagbabago.
Sa mga pamumulitika ako’y dalang-dala na, ang kalagayan ng ating bansa ay sa langit ko na ipinauubaya. Subalit kababayan ko, ang mga daing ng pusong nagsusumamo’y pakinggan mo dahil sa kahuli-hulihan tayo pa rin ang malilintikan sa karusingang nakatago!
Inihalal na mga huwaran, ng bayang gumagapang,
ang tuwid na pamamaraan ay di kayang gampanan
ang katagang- ‘katungkulan’ ay di naintindihan
Nagsumpang tagapagligtas… lumalangoy sa kasamaan!
Alam mo at alam ko kung sino-sino ang mga ito… huwag na natin silang bilangin dahil napakarami po nila! …Mas madali pa, kung bilangin natin ang matitino dahil kasya na siguro yang mga daliri mo!
Nang nagkasalubong ang ating mga mata ay biglang sabay na nagtanong kung SINO? Sino? ang dapat… sisihin? Di ba’t ikaw rin at ako? Sa dahilan po na tayo din ang naglagay doon sa Pamahalaan kay… ‘guwapo’… kay ‘bida’ sa pelikula… kay ‘mapapel na matanda’! …kay mayaman na sinungaling!… sa katungkulan na hindi naman nila alam gawin o kaya’y wala naman sila talagang balak na gawin dahil iba ang kanilang pakay, kaya;
Mamamayang nagbubulag-bulagan, marupok ang paninindigan
ang Wasto at Mali ay hindi pa natutunan
Tuloy-tuloy tayong magdurusa hangga’t di natin malaman
kung ano ang kaibahan ng Liwanag sa Dilim!?!
Ikaw-Ako-Siya! ang salarin! Kaya’t lumuhod ka kabayan sa harapan ng imahen ng mahal na Birhen at taimtim mong ipanalangin at paulit-ulit mong bigkasin na ikaw at ako’y muling manumbalik sa sariling ulirat, at muling tumambad sa akin ang larawan na;
Sa ilog ng karunungan, namamangka ang katotohanan…
Tungkol sa pagbabago, na manggagaling sa iyo.
Ang hindi nakakaunawa ay walang nakikita,
Ang lubos na nakakaunawa… ay makakaisip ng tama!
Sana sa makalawa ikaw ay mapapabilang na sa mga lubos na nakakaunawa “subalit… I doubt it!” Ganoon pa man, itaga mo sa iyong sintido itong habilin ko at dito ko na rin wakasan itong aking panibugho…
Ano’ng silbi ng katawan, kung ito’y walang kaluluwa?
mananatiling putik na walang halaga,
Ano’ng halaga ng buhay kung halang ang kaluluwa?
Tiyak na – Wala . . .
wala . . .
walaaaaa!!!!!
kailangan pa bang i-memorize ito?
grrrrr (gigil)… ay talaga naman!