Ni Anne Pabion Gonzaga
Para sa sambayanang Pilipino, ang huling bahagi ng taong 2013 ay nakapanlulumo at tunay na nakakadurog ng puso. Sumabog ang isyu tungkol sa pork barrel o PDAF (Priority Development Assistance Fund) na nagpaalab ng galit sa puso’t isipan ng bawat mamamayang Pilipino at hanggang sa mga oras na ito ay mainit pa ring tinatalakay sa bawat sulok ng mundo ngunit wala pa ring marinig na maayos na sagot mula sa witness na nililitis ng “Blue Ribbon Committee”. Sinabayan pa ng isang lindol na yumanig sa kabuuan ng Bohol at Cebu na may lakas na 7.2 magnitude ayon sa Richter scale. Hindi pa man nakakarekober ang bayan mula sa pinsalang dulot nito at sa aftershocks ay dumaluhong naman ngayong Nobyembre si super typhoon Haiyan o Yolanda at inilubog ang malaking bahagi ng Kabisayaan, winasak ang mga ari-arian at kumitil ng mahigit 5,000 katao ayon sa huling nailathalang balita.
Muli, kagaya ng mga naunang trahedya at krisis na naranasan ng Pilipinas ay minsan pang ipinakita ng sambahayang Pinoy ang tunay na kahulugan ng pagkakaisa. Nagkaisa ang lahat sa pagpapadala ng tulong sa mga sinalanta ni Yolanda lalo na ang mga OFWs sa lahat ng panig ng mundo. Hindi lamang mga Pinoy ang nagbigay at patuloy na nagbibigay ng donasyon o tulong pinansiyal sa mga biktima, kundi pati rin ang ibang mga bansa. Ang Israel ay naghatid ng tulong at volunteer soldiers sa mga lugar na sinamang-palad. Sa ganitong panahon ng trahedya ay tila baga isang katawan na kumikilos ang buong mundo na ang mga mata at puso ay nakatutok lahat sa Pilipinas.
Dito sa Israel ay kabi-kabila ang mga organisasyong naglunsad ng fund-raising projects para sa mga kababayang biktima ni Yolanda. Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpakita ng pagkakaisa ang mga Pilipino dito sa Holy Land, kasama na rin ang mga Israelis na personal ding nagbigay ng tulong at suporta sa mga ganitong proyekto.
Noong Disyembre 2006, inilunsad ng FFCI (Federation of Filipino Communities in Israel) ang isang fund-raising project na pinangalanang “Sagip Kababayan” na naglalayong makalikom ng sapat na salapi upang itulong sa mga biktima ng kalamidad sa Pilipinas. Iyon ay sa panahong sinalanta ng bagyong Reming ang Bicol region. Nakalulungkot man sabihin ay taun-taong sinasalanta ng bagyo ang ating bayan kaya’t kada-taon din ay nagpapadala ng donasyon ang FFCI sa alinmang lugar na nasalanta ng malakas na hagupit ng kalikasan.
Noong Nobyembre 16 ay nagdaos ang FFCI ng isang konsiyerto ng mga mang-aawit na sariling atin na kinabibilangan nina Kathleen Eligado, Osang Fostanes, Michelle & Michael Trinanis, April Charir, MU Rhymes Band, Daddy’s Cool Band, Arnold Eligado, Maria Luisa Eligado, Eugene Eligado, Oliver Sy at Nonoy Pillora ng Asin.
Taos-pusong pasasalamat sa lahat ng performers at mga bisita: Bishop Jovie Galaraga, PPSI, Rotem Ilan, Noa Galili, Neta Rosenthal & company mula sa CIMI (Center for International Migration and Integration), JDC Israel, Deby Babis, Mr. Simi Salpeter, Philippine Embassy Staff, OWWA Officer Mdm. Alice Lime, Mdm. Tess Reyes-Cultural Attaché, Consul Greg Marie Marino at H.E. Ambassador Generoso D.G. Calonge na laging nakasuporta sa mga proyekto ng FFCI. Ang lahat ng nalikom sa proyektong ito kasama ang mga donasyong tinanggap mula sa paglilibot ng mga leaders sa buong Tel Aviv ay ido-donate sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Ito’y isa na namang matagumpay na proyekto mula sa pamumuno ng FFCI Pres. Violy Varias at VP Babes Pramis kasama ang masisipag na opisyales.
Bukod sa FFCI ay may kani-kaniya ring proyekto ang bawat organisasyon na naglalayong makalikom ng pondo para ibigay-tulong sa mga kababayang nangangailangan. Ginanap noong Nobyembre 23 ang UFFI (United Filipino Foundation in Israel) Concert of Nicole Jacinto at Mommy’s Got the Look 2013, katuwang sa proyekto ang Association of Bicolanos in Israel, Association of Igorot Migrant Workers in Israel, Candelarians, Ilonggo Tribe, Team Israel Photographers at Visayas-Mindanao Org.
Kasabay nito ang Alpha Phi Omega’s “Kain nAPO, Tulong nAPO” Food for a Cause at Triskelion Holy Land “Oplan Sagip Tacloban” projects. Sa Disyembre 13 naman ang KAMPI (Kapatiran ng Manggagawang Pilipino sa Israel) Dance for a Cause. Sa ika-28 naman ay gaganapin ang PIIAC (Phil-Israel Inter-Act club) 2nd Anniversary fund-raising for Yolanda victims. Ang ilang miyembro ng Mindorenios sa Jerusalem ay naglibot at nagbahay-bahay upang makalikom ng pera at personal na nag-abot ng tulong sa mga kapwa manggagawa.
Gayundin ang Samahang Ilokano sa Jerusalem ay naglibot dala ang kanilang donation boxes. Sa December 21 ay idaraos ang Christmas in Zion (fund-raising for Yolanda victims) ng Jerusalem Filipino Community na naglalayon ding makapag-abot ng tulong sa Pilipinas lalo na sa mga kababayan dito sa Jerusalem na ang pamilya sa Pilipinas ay sinalanta ng bagyong nabanggit.
Minsan pa ay napatunayan nating mga Pilipino na tayo ay mayroong pusong matulungin sa kapwa at ang diwa ng pagkakaisa ay nakapagdudulot ng kalakasan sa nanghihinang kalooban. Kailanman ay hindi mawawalan ng pag-asa ang bawat Pilipino at tayo’y nabiyayaan ng matatag na pananampalatayang hindi basta maigugupo gaano man kalakas ang dumating na delubyo.
Patuloy nawang pagpalain ng Maykapal ang mga matulungin at may mabubuting kalooban.