Pagkakaisa ng mga Pilipino para sa mga Sinalanta ng Lindol
(Panayam kay Gng. Alma Millamar ng View Finders Club Israel)
Ni Ms. Cheryl Sevegan
Kamakailan lamang ay niyanig ang lahat ng Pilipino saan mang sulok ng mundo ng balitang ang Pilipinas ay muli na namang sinubok ng kalikasan sa pamamagitan ng isang malakas na lindol noong ika-13 ng Oktubre ganap na alas 8:12 ng umaga. Sa opisyal na tala ito ay may 7.2 magnitude sa Richter scale na ang epicenter ay mula sa makasaysayan at napakagandang lugar ng Bohol at Cebu.
Marami ang nanghinayang, nasaktan, nawalan ng mga mahal sa buhay at napaiyak sa kalunos-lunos na naging resulta ng trahedyang ito. Isang trahedyang tanging ang makapangyarihang Maylikha lamang ang maaaring humarang at pumigil.
Ayon sa balita mula sa pahayag ni National Disaster Risk Reduction and Management Council Rey Balido, umabot na sa 144 katao ang namatay, 134 dito ay mula sa Bohol, 9 sa Cebu at 1 sa Siquijor, ngunit maaari pang madagdagan ang bilang ng mga casualties sa paglipas ng araw. Kanya ding kinumpirma na 291 katao ang bilang ng mga sugatan at 23 katao naman ang nawawala.
Libong aftershocks o pagyanig ng lupa ang naitala na mula nang mangyari ang napakalakas na lindol. Kalunos -lunos, kahindik-hindik na kahit sa hinagap ay hindi naisip ng bawat isa na ang lahat ay mangyayari. Nagkalat sa Facebook at Internet ang mga balitang nakalulungkot, ganoon din ang mga larawan ng mga importante at makasaysayang lugar na bahagi na ng ating historya bilang isang bansa.
Nakalulungkot din na ang napakagandang kalikasang Kanyang nilikha ay bigla na lamang nasira. Ito’y patunay na Siya lamang ang tunay na Makapangyarihan sa lahat at tanging may kakayahang kunin ang anumang Kanyang ibinigay sa sangkatauhan at sanlibutan.
Habang aking pinagmamasdan ang mga larawan – ang mga bitak na kalsada, ang mga tulay na naputol, ang mga gumuhong simbahan, ang napakaganda at napakasikat na chocolate hills na ipinagmamalaki ng Pilipinas sa buong mundo – hindi ko lubos maisip na sa isang iglap lamang ang lahat ng ito’y masisira…
Sa isyu pong ito aking ibabahagi sa inyo ang kabutihang loob at ang mabilis na pagdamay at pagbibigay ng tulong ng ating mga kababayang OFWs dito sa Israel, at kuwento ng isang inang malayo sa kanyang anak na nalagay sa bingit ng panganib.
Mga mahal kong kababayan sa Israel, nais ko pong ipakilala sa inyo ang isang simpleng ina na nangibang-bansa upang mapabuti ang kalagayan ng kanyang iniwang anak at pamilya sa Pilipinas. Siya po’y walang iba kundi si Gng. Alma Lopena Millanar, butihing maybahay ni G. Jerick Millanar. Sila po ay parehong tubongTagbilaran City, Bohol kung saan ay naging sentro ng nakaraang lindol. Narating ni Gng. Alma ang Lupang Pinagpala 14 years ago noong June 1999. Sumunod naman sa kanya dito ang kanyang kabiyak noong taong 2001 buwan ng Hulyo. Tinatanaw nyang malaking utang na loob ang pagtulong sa kanya ng Pagarigan family na kanyang first-degree relatives.
Nasa higaan na sya nang tawagin siya ng kanyang asawang si Jerick upang ibalita ang nangyaring lindol sa Bohol na may lakas na 7.2 magnitude.
Ano po ang una ninyong naging reaksyon?
Alma: Napalundag ako at pinakaunang pumasok sa isip ko ay si Angela, ang aming panganay na naiwan sa Pilipinas. Bigla akong napabalikwas sabay dampot sa aking telepono para tawagan siya, pero hindi ko na sya makontak sa kanyang cell phone. Agad-agad kong tinawagan ang landline sa bahay pero ganoon din walang sumasagot. Natuliro ako dahil gusto kong malaman kung ano ang kanilang sitwasyon, kung nasa ligtas ba sila, pero wala akong mahagilap at makuhanan ng sagot. Lahat sila ay naka-offline kahit sa FB.
Napuno ang aking isipan ng samu’t saring alalahanin at pangamba. Wala akong magawa kundi tumingin sa bintana, nakatitig sa langit… wala akong mabanggit na panalangin, basta tumutulo na lang ang luha ko. Pumasok ako sa trabaho na wala sa sarili. My kind employer comforted me and told me to just pray.
Paano po kayo nagkaroon ng komunikasyon sa kanila? Sa ano pong paraan?
Alma: Ang madalas naming way of communication na mag-ina ay sa Skype kung saan nakikita ko ang kanyang mukha. Binubusog ko na lamang ang aking pagkauhaw sa aking anak sa pamamagitan ng panonood sa FB sa kanyang mga litrato na ina-upload nya at madalas ay online siya. Pero nang mga panahong iyon lahat ay “cannot be reach” sa Skype, FB, cell phone at kahit na ang aming landline. Sumaksak sa isipan ko na merong hindi magandang nangayri at kung nasa ligtas na kalagayan ba sila?
After a day when I opened my cell phone in the bus kasi nga may wifi ang Metropolin at nakakapag-Facebook ako sa bus, ang unang bumulaga sa akin pagbukas ko ng screen ng FB page ay ang mukha ng aking anak at nakahiga silang lahat sa labas ng bahay at naka-tent. Na-relieved ako pansumandali ngunit pinalitan naman iyon ng matinding awa sa kanyang sitwasyon. Kung kasama lang sana namin siya dito…
Agad-agad akong nagpost ng shout out ko sa FB na if puede lang akong agad-agad umuwi ng Pilipinas, lumipad na ako upang yapusin ang aking anak ng napakahigpit para ma-comfort siya upang hindi nya maramdamang nag-iisa siya at mahal na mahal namin sya. Lumabas sa akin ang natural na feeling ng isang inang nababahala sa kaligtasan ng kanyang anak. Pagkatapos noon ay natawagan ko sya at ang kanyang ibinungad sa aking ay ang isang panaghoy ng isang anak na nanghihingi ng pagkalinga. Nadurog ang puso ko at hindi ko namalayang hindi na din ako makapagsalita dahil kusa nang namalisbis sa aking pisngi ang mga luhang nag-uunahang tumulo mula sa aking mga mata. Gumuhit sa kaibuturan ng aking puso ang sakit na alam ko ang aking anak ay nagtatanong kung bakit siya ay nandoon at nasa bingit ng peligro samantalang kami dito ay sama-sama at nasa ligtas at magandang katayuan. Akin na lamang nasabi na “Thanks God they are safe.”
Napakahirap po talaga ng malayo sa minamahal sa ganitong mga sitwasyon? Sa naging karanasan po ninyo, ano sa tingin nyo ang mga bagay na nakatulong sa inyo at magiging kapaki-pakinabang na kaalaman na puwede rin po ninyong ibahagi sa ating mga kapwa OFW dito sa Israel?
Alma: Unang-una presence of mind lang ang maisa-suggest ko sa lahat sa mga ganitong sitwasyon at huwag mag-panic or mag-hysterical. Dapat naka-focus ang isip mo sa ano mang dapat mong gawin. Panalangin ang pinakaimportante sa lahat, dahil walang ibang makakatulong sa atin kundi Siya lamang. At dapat open ang puso na tumulong, mag-isip kung anong dapat na gawin. Kahit ako noong panahong ‘yon ay hindi ko inisip na gawin ang ginawa ko na lumikom ng salapi para itulong sa aking mga kababayan na nasalanta ng lindol. Noon lamang makita ko kung gaano kalaki ang naging pinsala ay laking pasalamat ko na ligtas ang aking anak at pamilya.
Paano po nag-umpisa ang paglikom ninyo ng donasyon para itulong sa ating mga kababayan sa Bohol?
Alma: Ang una ko talagang ginawa ay nag-message ako sa mga kakilala kong Boholano dito sa Israel. Pinakauna kong pinadalhan ng mensahe si Luz Bersabal Nistal, sumunod si Jun Asur tapos si Liza Auditor, lahat ay mga kababayan kong Boholano. Hinikayat ko na mag-contribute kahit konti ang mga Boholanos na nandirito sa Holy Land at walang pasubaling umoo silang lahat. Nag-researched ako ng pwede naming pagbigyan ng tulong. Nakita ko sa aking paghahanap ang Sunshine Orphanage sa Facebook na pinamamahalaan ni Jerome Auza. Ni-like ko ang page nila sa Facebook, nakita pala ni Association of Bicolanos in Israel President Wenifredo Gamban ang aking ginawa at naging daan upang send-an nya ako ng message at kanyang iminungkahi na kami ay mag-photo shoot for a cause para itulong sa mga taga-Bohol. So napagkasunduan namin na mag-post ng tungkol dito sa aming grupo ng mga Photographers dito sa Israel, ang VFC.
Hindi ako nakapag-post kaagad kasi parang nahihiya ako hanggang sa makita ko ang isa naming kasamahan na si Mr. Rosemar Casabar na nag-post ng photo shoot for a cause para nga sa mga napinsala ng lindol. Agad kong ni-like ang post nya and the action began it became viral sa Facebook. Napakabilis ng tugon ng bawat isa. May mga hindi nakalabas pero gustong magbigay kaya yung iba ay nagpaabono na lang. Nakakataba ng puso at nakakatuwa kasi ramdam mo na kahit nasa malayo nandun ang kagustuhan ng ating mga kapwa OFWs dito na tumugon at tumulong sa mga kababayan nating napinsala at nangangailangan ng madaliang tulong sa Pilipinas.
Napakabilis po ng inyong pagtugon. Sino po ang mga taong nasa likod ng mabilisang proyektong ito upang magbigay ng tulong sa ating mga kababayan sa Pilipinas na nasalanta ng lindol?
Alma: Ang mga tumugon sa panawagan namin sa VFC (View Finders Club Israel) na lubos naming pinasasalamatan ay sina Mr. Ramz Laguna, Mr. Edmar Colo, Mr. Rosemar Casabar, namuno din si ABI President Mr. Wenifredo Gamban, kaming mag-asawa, sina Luz Bezabal, Nistal, Ofelia Villena at nagbigay din ang amo ko ng donasyon, gayundin ang amo nina Luz at mga kakilala. Naki-join din ang pamangkin kong si Marivic Feferbaum at ang aking anak na si Jeruz na talaga namang bumalandra sa kalsada sa panghihingi ng donasyon sa mga taong dumadaan at may ginintuang puso. Nakakatuwa kasi kahit hindi kami ganoon kagaling mag-Hebrew mabanggit lang ang salitang kesef ay okay na at marami naman ang nagbibigay. Hindi na namin inisip ang hiya dahil sa kagustuhan ng bawat isa na makatulong.
Gaano po katagal ang naging proyektong ito bago kayo nakakalap ng sapat na salapi para ipadala sa Pilipinas?
Alma: Ang photo shoot for a cause ay tumagal ng 2 araw kung saan na-meet namin ang iba’t ibang klase ng tao. Mayroong snob, may mabait kahit walang hinulog at least ina-approach kami ng nakangiti. Nakakataba rin ng puso kasi mayroon talagang ramdam mo ang kanilang pakikiramay sa maga kababayan nating napinsala. Mayroon namang mga nang-iinsulto pa. Sobrang nakakataba ng puso na kahit ang ibang mga lahi kagaya ng Indian, Nepalese at Sudanese ay nagbigay ng tulong na bukal sa puso. Malaki din ang aming pagpapasalamat kay Ms. Ruby Sukjai ng Pinay Namaste na hindi kami siningil sa charge sa aming pagpapadala ng pera sa Pilipinas.
Lubos ang aming kaligayahan sampu ng aking mga kasama sa VFC Israel.
Ang akin pong pagpupugay sa inyong lahat sa inyong kabutihang ginawa para sa ating mga kababayan sa Pilipinas! Sa ngayon po ate, ano na ang update sa inyong ipinadalang tulong sa Pilipinas?
Alma: Bukas ang aming perang ipinadala ay ibibili na nila ng mga goods at bukas na din ang delivery so hopefully sa Miyerkules, Oct. 23, ay maipamimigay na ang mga goods sa mga nasalanta ng lindol.
Tunay pong ang kahit anumang pagsubok ay magaan nating haharapin kung tayo ay tulong-tulong at sama-sama. Nakakagalak isiping ang mga Pilipino watak-watak man sa iba’t ibang sulok ng mundo, pagdating sa pagtutulungan at pagdaramayan upang saklolohan ang ating Inang Bayan ay nagiging buo at iisa.
Patunay na ang “BAYANIHAN” na isang kaugalian nating Pilipino na sikat sa buong mundo ay patuloy pa ring nasa puso ng bawa’t Pilipino.
Sa lahat po ng mga tumulong at magbibigay pa ng tulong, ang akin pong pagbibigay-pugay sa inyong lahat sa kabutihan ng inyong mga puso. Nawa’y patuloy tayong manalangin na ang ganitong mga pagsubok ng kalikasan ay huwag na sanang muli pang mangyari sa ating Inang Bayan.
Ang akin pong panalangin sa kaluluwa ng mga yumao nating kababayan, gayundin ang paggaling ng mga sugatan sanhi ng masaklap na kaganapang ito. Dalangin ko po ang inyong katatagan at patuloy na magandang paglalakbay sa buhay.